Saturday, September 12, 2015

Featuring Bulao Spring at Talakag, Bukidnon








Lihim na Paraiso sa Pusod ng Kagubatan



Isang lihim at nakatagong lugar sa gitna ng kakahuyan. Isang kagubatang maituturing kong paraiso. Huni at pagaspas ng mga pakpak ng mga ibon ang musika na mariring sa lugar na tila ba  nagpapagaan ng kalooban. Sino bang mag-aakala na sa dalawampu't siyam na barangay ng Talakag ay may tanawing kakaiba? Kakaiba ang taglay na alindog at ganda at pambihira ang angkin nitong kariktan? Ito ay ang mapang-akit na Bukal ng Bulao na nakahimlay sa pusod ng kagubatan ng Bulao, San Isidro, Talakag, Bukidnon. Ito ay may layo na tatlong kilometro mula sa Bulwagang Barangay ng San Isidro.


Tag-init noon, kami ng aking mga kaklase ay nagpasyang pumunta sa Bukal ng Bulao upang magsaya. Papunta pa lamang kami ay bakas na sa aming dinadaanan ang maaliwalas na kapaligirang nababalot ng mga punongkahoy at tanim. Bago ka makakarating sa paraisong aking tinutukoy ay kailangan mo munang magsakripisyo. Kailangan mo munang dumaan sa isang daanang wari’y isang pampang na sa isang pagkakamali mo lang sa pagtapak o kapag ikaw ay nadulas ay maari ka nang dumaosdos paibaba at maaari magkabali-bali ang iyong buto. Hindi alintana ang panganib ay patuloy pa rin ang aming destinasyon. Puno ng kahoy ang paligid, wala kang makikitang mga matataas na gusali at ang huni lang ng ibon at lagapak ng aming mga paa ang maririnig. Hanggang sa nakaabot na nga kami. Lagpas oras ang aming paglalakad ngunit bawing-bawi naman pagkarating mo sa lugar.





            Sa pagkarating ko sa lugar ay biglang nawala ang pagod na aking naramdaman ito ay napalitan ng kasiyahan at kagalakan. Napatingin ako sa paligid. Ang ganda ganda ng kapaligiran. Wala kang ingay na maririnig na yaong masakit sa tainga para bang ako ay nakalutang dahil sa kagalakan. Mga nagtataasang kahoy lamang ang iyong makikita. Ang lamig-lamig ng tubig na waring nilagyan ng isang sako ng yelo ang katubigan. Ang tubig din doon ay maiinom. Bukod rito, ito ay nakawawala rin ng pagod, ang sarap-sarap sa pakiramdam. Mayroon ding naglalakihang mga bato na siyang mas nagbibigay kulay sa bukal. Wari’y ang mga bato ay naihanay nang maayos upang maging disenyo sa bukal.  Di gaanong malalim ang malakristal na tubig. Mayroong hanggang tuhod at mayroon namang hanggang sa balikat lang. Walang malulunod at ang lugar ay ligtas. Wala kang problema na iintindihin sadyang ang saya lang talaga. Napawi ang lahat ng sakit na aking naramdaman. Paraiso ko itong maituturing. Isang lugar na napakaganda, kasiya-siya, at kaaya-aya. Isang pook na itinuturing na paraiso ng Talakag. Isa rin ito sa mga dahilan na masasabi talagang, “Mas Masaya sa Pilipinas”!

2 comments: